Kaagad na nagpaliwanag ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kaugnay sa naging kontrobersiyal na pagtama ng may 433 lucky bettors sa mahigit P236 milyong jackpot prize ng GrandLotto 6/55 nitong Sabado ng gabi.

Sa isang pulong balitaan nitong Linggo ng hapon, tiniyak ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles na normal lamang at walang iregularidad na naganap sa ginawa nilang pagbola sa lotto nitong Sabado.

Aminado si Robles na ito ang kauna-unahang pagkakataon sa buong Pilipinas at maging sa buong mundo, na umabot sa 433 ang nanalo ng jackpot prize sa lotto.

Gayunman, tiniyak niya na maaari talagang mangyari na maraming manalo sa lotto games.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Maging sila aniya ay 'napalundag' sa resulta ng bola kaya't kaagad nilang pinag-aralan ang nangyari at natuklasang talagang posible itong maganap dahil marami talagang bettors ang nag-aalaga ng numero.

Naglabas pa ng datos ang PCSO hinggil sa bilang ng mga mananaya na pare-pareho ang inaalagaang numero, partikular na ang six-digit winning combination na lumabas para sa GrandLotto 6/55.

"The result of the October 1 GrandLotto draw is an indication that the more you play lotto, the more that you have the chance of winning. Every time you play, the entire nation wins," aniya pa.

Natuwa rin aniya sila na marami ang nanalo at maghahati sa jackpot prize dahil maraming tao ang napasaya lalo na ngayong magpa-Pasko.

Nanindigan rin si Robles na tapat at walang daya ang kanilang mga palaro, dahil ang puhunan nila ay ang tiwala ng mga mamamayan.

Giit niya, ang lotto ay 'game of chance' at walang sinuman ang maaaring maka-predict o makahula ng mga numerong lalabas sa raffle o kung mayroong mananalo o wala sa bola, dahil ang mga numero ay binubola ng random sa isang aktuwal na draw.

Isinasagawa rin anila nila ang pagbola sa presensiya ng mga kinatawan ng Commission on Audit (COA) at naka-telecast ng live sa PTV 4.

Gayundin, naka-stream din ito ng live sa kanilang PCSO official Facebook page, PCSO Games Hub FB Page, PCSO YouTube at sa PTV4 FB Page.

Kaugnay nito, pinasalamatan rin naman ni Robles ang media at publiko dahil sa pagiging vigilante ng mga ito upang matiyak na walang daya ang kanilang mga palaro, para sa kapakanan ng mga mamamayan.

"Thank you for being vigilant and for a good reason because sabi ko nga ang puhunan namin ay ang tiwala ng mga mamamayan sa aming credibility," ani Robles.

Ayon pa kay Robles, "We would like to assure the public at ang bayan, na ang PCSO ay tapat sa kanyang tungkulin at tapat sa kanyang mandato na magkaroon ng mga laro na mapagkakatiwalaan, with integrity, and utmost sincerity and transparency. Ito ho, pwede nyo hong ilaban ng tayaan yan," aniya pa.

Samantala, siniguro rin naman ni Robles na welcome sa kanila ang pahayag ni Sen. Koko Pimentel na maghahain siya ng resolusyon upang maimbestigahan ng Senado ang naturang pangyayari.

Matapos naman ang press conference, ipinasilip rin ng PCSO sa media ang paraan ng pagbola nila ng six-digit winning combination ng kanilang lotto games upang patunayang transparent ito at walang nagaganap na manipulasyon.

Nauna rito, nitong Sabado ng gabi, nasa 433 ang mananayang nagwagi at maghahati-hati sa P236,091,188.40 jackpot prize ng GrandLotto 6/55 na binola nitong Sabado ng gabi at mayroong winning combination na 09-45-36-27-18-54.

Nangangahulugan ito na bawat isa sa mga masuwerteng mananaya ay makapag-uuwi ng tig- ₱545,245.23.

Mayroon rin namang 331 mananaya na nagwagi ng second prize na tig-P100,000 para sa nahulaang limang tamang numero.

Ang GrandLotto 6/55 ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.