September 17, 2024

Home SPORTS

Jowa ni Carlos Yulo, unang 'nagda-moves' sa kaniya

Jowa ni Carlos Yulo, unang 'nagda-moves' sa kaniya
Photo courtesy: Chloe San Jose (IG)/TikTok)

Binalikan ng mga netizen ang lumang TikTok post ng girlfriend ni Carlos Yulo na si Chloe San Jose tungkol sa una nilang pag-uusap ni Caloy sa isang social media account na "X" (Twitter pa noon) noong Abril 2020.

"First move is the key," mababasa sa caption ni Chloe.

Sa ipinakita niyang screenshot ng kumbersasyon nila ng noo'y lodi niyang si Caloy, mababasang unang nag-DM o direct message si Chloe sa noo'y sumisikat nang atleta ng men's artistic gymnastics.

"Hi I'm a fan po. Just came across your account and hindi na po kayo as active like before. I hope you're doing well po. Stay safe. God bless," mensahe ni Chloe.

₱5M-worth na SUV ni Caloy, naibigay na ng Toyota

Batay sa mensahe ni Chloe, hindi siya makapaniwalang nag-reply sa kaniya si Carlos at nag-follow back pa.

"Hello hehehe Anyway I'm doing great here thank you. Ikaw din ingat dyaaan and godbless," tugon ng atleta.

Tugon naman ng "kinilig" na fan, "awwe I didn't expect that you'd reply and even followed me back. Thank you so much. Have a great week ahead."

At sabi nga, "the rest is history."

Makalipas ang ilang buwan, ibinabalandra na nila ang isa't isa sa kanilang TikTok accounts, na nagsimula noong Oktubre 2020.

2021 nang magsimula ang kanilang "long distance relationship" o LDR dahil nasa Australia si Chloe para sa kaniyang pag-aaral. Si Caloy naman, nasa Japan dahil sa kaniyang trainings, bukod pa sa iba't ibang mga kompetisyon na kaniyang sinasalihan.

Mayo 2022 nang i-hard launch na nila ang isa't isa matapos magtungong Vietnam si Chloe para magpakita ng all-out support sa jowa, na lalaban sa Southeast Asian Games.

Isa sa mga pinasalamatan ni Caloy nang manalo siya sa 2024 Paris Olympics, bukod sa Panginoon, kaniyang coaches, trainers, at mga tagasuporta, ay kaniyang girlfriend.

"Wala pong lumalabas kundi pasasalamat sa Diyos na hindi niya ako pinabayaan. Walang nangyaring masama samin. Matagal kong pinagdasal 'to. Matagal kong pinagtrabahuan 'to kasama Siya. Siyempre kasama rin yung mga staff, si Coach Aldrin, si Ma'am Cynthia, 'yung partner ko and 'yung family ng partner ko," aniya.

Kaya kung susumahin, nasa apat na taon na rin ang relasyon ng dalawa, na ngayon ay pinupukol ng kontrobersiya dahil sa mga pahayag ng ina ni Carlos na si Angelica Yulo laban kay Chloe.

Nabanggit ni Angelica sa isang panayam na bukod sa usaping pera, isa sa mga hindi nila pinagkakasunduan ng anak ay dahil sa kasintahan nito, na feeling daw ng madir ay inilalayo ang anak sa kanila.

MAKI-BALITA: Pasabog! Ermat ni Carlos Yulo, sinisisi ang jowa ng anak kaya nagkagalit sila?

Bilang buwelta sa sinabi ng kaniyang "future mother-in-law," nagpakawala ng isang makahulugang Facebook post si Chloe.

Aniya, "mother dear i'm gonna hold your hand when i say this... pero wait ka lang, tapusin lang po namin yung vault finals—paki-on na your comment section po ah, di yung nag dedelete ka pa + off com sec."

Ginaya rin niya ang kontrobersiyal umanong post ni Angelica na pumapabor sa nakalaban ni Carlos mula sa Japan na si Shinnosuke Oka na siyang nakasungkit ng gold medal habang pang-12 puwesto ang anak.

"japan pa din talaga.. lakas! but malakas din naman si Carlos Edriel Yulo, GOD IS WITH HIM," aniya.

MAKI-BALITA: Dahilan ng sigalot? Jowa ni Carlos Yulo, pinalagan ang 'future mother-in-law'

Dahil sa post na ito ni Chloe, halo-halo tuloy ang tingin ng netizens ukol sa kaniya. May mga nagpayo sa kaniyang kahit na anong ipukol daw sa kaniya ng ina ng kaniyang boyfriend ay huwag na lamang itong patulan, dahil "kabastusan" daw ito sa magiging biyenan niya sa hinaharap.

May mga nagsasabi namang tama lang ang ginagawa niya dahil nakakaladkad ang pangalan niya sa naging pahayag sa panayam ng ina ni Caloy.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ng ina ni Carlos tungkol sa isyu.