September 06, 2024

Home BALITA

PCSO: ₱12.7M jackpot prize ng Lotto 6/42, nasolo ng Cainta bettor

PCSO: ₱12.7M jackpot prize ng Lotto 6/42, nasolo ng Cainta bettor
Photo courtesy: File Photo

Solong naiuwi ng isang lotto bettor mula sa Rizal ang ₱12.7 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Sabado ng gabi, Hulyo 20.

Sa abiso ng PCSO, nabatid na matagumpay na nahulaan ng lucky bettor ang winning combination na 27-23-17-41-15-29 kaya’t napanalunan nito ang katumbas na jackpot na ₱12,725,157.60.

Ayon sa PCSO, nabili ng jackpot winner ang kanyang lucky ticket sa bayan ng Cainta.

Kaugnay nito, pinayuhan naman ni PCSO General Manager Mel Robles ang lucky winner na upang makubra ang kanyang premyo ay magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.

National

Hontiveros sa pagsailalim kay Guo sa PNP custody: 'Napaka-iregular ng mga nangyayari'

Kailangan din umano nitong iprisinta ang kanyang winning ticket at dalawang balidong IDs.

Nagpaalala rin si Robles na ang lahat ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, mula sa petsa ng pagbola, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kanilang Charity Funds.

Ang lahat naman ng premyong lampas sa ₱10,000 ay papatawan ng 20% buwis, sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Hinikayat rin naman ni Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo at makatulong pa sa kawanggawa.

Ang Lotto 6/42 ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Sabado.