September 22, 2024

Home BALITA National

Chinese na ayaw sumuko, binaril sarili, patay

Chinese na ayaw sumuko, binaril sarili, patay
file photo

Patay ang isang Chinese national matapos niyang barilin ang kaniyang sarili habang inaaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa isang operasyon sa Pampanga kamakailan.

Ang naturang Chinese national ay sinasabing miyembro umano ng isang kidnap gang na nambibiktima ng mga dayuhan sa Central Luzon.

 Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang nasawi ay nakilalang si Wu Fu Wen, 35, habang naaresto naman ang tatlong niyang kasamahan na sina Feng Zhengheng, 29; Chou Yibo, 33, at si Wang Yan, 25.

Nabatid na bago ang insidente ay sinalakay ng mga ahente ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI ang isang unit sa isang condominium building sa Angeles City upang arestuhin ang mga naturang dayuhan dahil sa paglabag sa Philippine immigration laws.

National

Davao Oriental, niyanig ng 4.8-magnitude na lindol

Sa halip namang sumuko, tumakbo at nagtangka pang tumakas ang mga dayuhan.

Kaagad naman silang hinabol ng mga BI agents ang mga dayuhan at naaresto sina Feng Zhengheng at Chou Yibo, gayundin si Wang Yan.

Tumanggi naman sumuko si Wu Fu Wen na binawian pa ng buhay dahil binaril niya ang kaniyang sarili.

Ayon kay Tansingco, ang mga naturang Chinese nationals ay pangunahing suspek sa pagpatay sa siyam na dayuhan na ang mga bangkay ay itinapon sa iba't ibang lugar sa Pampanga, may ilang buwan na ang nakakalipas.

Anim sa mga napatay ay Chinese nationals habang ang tatlo pa ay mula sa Vietnam, Malaysia at Japan.

Sinabi ni Tansingco na ang mga Chinese nationals na naaresto ay sasampahan ng deportation cases dahil sa pagiging overstaying ng kanilang tourist visas.

Nabatid na lahat sila ay dumating sa Pilipinas noon pang 2019 at hindi na muling umalis pa, kahit hindi nag-aaplay ng ekstensiyon ng pananatili sa bansa.

Anang BI chief, “They will remain in our detention facility until the criminal cases filed against them are resolved by the court as they will also be facing deportation charges.”