July 04, 2024

Home BALITA Metro

Love triangle: Construction worker, patay sa kinakasama ng ex-lover

Love triangle: Construction worker, patay sa kinakasama ng ex-lover

Isang construction worker ang patay nang pagsasaksakin ng kasalukuyang kinakasama ng kanyang dating live-in partner matapos na magkrus ang landas ng mga ito sa Taytay, Rizal nitong Linggo.

Mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang ikinasawi ng biktimang si Joshua Espinida, 29, ng Maiba, Teresa, Rizal habang nakatakas naman ang suspek na si alyas ‘Roden,’ 31, ng Brgy. Dolores, Taytay, Rizal.

Lumilitaw sa ulat ng Taytay Municipal Police Station na dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang krimen sa St. Mary Palmera 3, sa Brgy. Dolores, Taytay.

Bago ang krimen, nabatid na dinalaw umano ng biktima ang kanyang dating kinakasama na si Mary Jane, 35, housekeeper, sa naturang lugar.

Metro

Tricycle driver, binaril sa ulo, dead on the spot

Gayunman, nagalit umano ang biktima nang makita sa lugar ang suspek, na siya namang kasalukuyang kinakasama ni Mary Jane.

Kinumpronta umano ng biktima ang suspek hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo at magkasuntukan ang mga ito.

Sa kasagsagan ng suntukan, bumunot umano ng patalim ang suspek at kaagad na pinagsasaksak ang biktima na ikinasawi nito.

Nang makitang duguan at wala nang buhay ang biktima ay mabilis nang tumakas ang suspek, na tinutugis na ngayon ng mga awtoridad.