Niyanig ng magnitude 4.3 na lindol ang probinsya ng Eastern Samar nitong Lunes ng hapon, Hunyo 24, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Base sa tala ng Phivolcs, nangyari ang lindol na tectonic ang pinagmulan bandang 1:04 ng hapon.

Namataan ang epicenter nito 8 kilometro ang layo sa timog-kanluran ng Oras, Eastern Samar, na may lalim na 4 kilometro.

Naitala ang Instrumental Intensity II sa Can-Avid, EASTERN SAMAR at City of Catbalogan, SAMAR.

Wala namang inaasahan ang Phivolcs na posibleng aftershocks ng lindol.

Hindi rin daw inaasahang magdudulot ng pinsala ang nasabing pagyanig.