Dahil nawalan ng oras sa kaniya ang girlfriend niya, naghanap ng atensyon at makakausap ang guest sa ‘EXpecially For You’ ng It’s Showtime sa katauhan ng kaniyang ex-girlfriend.

Sumalang sa naturang segment nitong Hunyo 17 sina Otep at Tinay. Si Tinay, bilang panganay, ay may trabaho at minsan ay suma-sideline pa para makapagbigay sa kaniyang pamilya. Kaya naman nawawalan siya ng oras sa kaniyang boyfriend, na ngayo’y ex-boyfriend na. Aware naman daw siya na wala na siyang oras kay Otep.

Trending

Resto, nagsalita na sa isyu ng food server na sinibak umano dahil sa pagpapakain sa stray animals

“Nag-open naman po siya sa akin na wala na raw po akong time, pero inexplain ko naman po sa kaniya kung bakit,” saad ni Tinay.

“Inexplain ko po sa kaniya na marami po akong babayaran, ‘yun nga po ‘yung bahay. Then, ‘yung mga kapatid ko po magco-college na, kailangan ko po mag-ipon para doon…pero hati naman po kami ng parents ko po,” dagdag pa niya.

Kahit ipinaliwanag na ni Tinay ang side niya kay Otep, hindi na nag-work ang kanilang 4-year relationship dahil naghanap umano ang huli ng atensyon sa ex-girlfriend nito.

Kuwento ni Otep, nagpasama raw ang ex-girlfriend niya sa kaniya. Pero may nakahuli at pinicturan sila kaya nakarating ito kay Tinay.

“Pero wala naman pong ano ‘yon, wala naman pong ibig sabihin ‘yon,” depensa ni Otep. “Ang pagkakamali ko po, hindi ko po nasabi sa kaniya na nagpasama ‘yung ex ko.”

“Anong naramdaman mo no’n Tinay na kasama niya ex niya?” usisa ni Vhong Navarro kay Tinay.

“Nasaktan po ako kasi sa iba niya nga po hinanap ‘yung oras na dapat ako 'yung nagbigay po. Parang ako po ‘yung nagkulang gano’n,” sagot ni Tinay.

Kawalan sa oras ni Tinay kung bakit sila naghiwalay. Pero giit ni Otep, hindi raw siya naghanap ng iba, naghanap lang daw siya ng kausap at makakasama.

"Hindi naman po totally naghanap ng iba. Parang hinanap ko lang po is ‘yung kausap, makakasama ‘yung para malibang lang po kasi sa sobrang busy niya,” aniya.

Naisip lang daw talaga ni Otep na samahan ang ex-girlfriend niya kasi naghanap lang daw siya ng makakausap at atensyon na hindi niya naibibigay ni Tinay no’ng time na ‘yon.

Gano’n man ang nangyari, nagsisisi raw siya sa ginawa niya.

“Na-realize ko na ‘yung pagiging busy niya pala is may patutunguhan naman pong maganda, which is ‘yung bahay na nakuha nila para sa family niya,” saad ni Otep.

“Nagsisi po. Malaking pagsisisi ‘yung nagawa ko sa kaniya kasi parang hindi ko nilawakan ‘yung pag-iisip ko kung bakit gano’n ‘yung ginagawa niya,” dagdag pa niya.