Nagbahagi ang Kapuso actress na si Shaira Diaz ng kaniyang horror story na mula umano sa karanasan niya sa shooting noon ng “Lolong” sa Tiaong, Quezon. 

Sa video clip mula sa reality game show na “Running Man Philippines” kamakailan, ikinuwento ni Shaira na bago pa man daw siya mapaglaruan ng engkanto ay sinusumpong na siya ng bangungot. 

“Bago pa mangyari ‘yon, bawat tulog ko binabangungot ako sa loob ng tent. Tapos parang ‘pag bandang gabi na, ‘yong taping bed ko basang-basa ng tubig talaga.

Usisa tuloy ni Buboy Villar: “Wala bang tulo sa taas?”

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

“‘Yan din ang sinabi nila pero tsinek ko talaga lahat tapos sinabi baka may mga nakatapon lang daw. Kasi, ‘yong pag-angat ko ng bag ko saka siya nabasa,” sagot ni Shaira.

“Yong next na nangyari, nag-ML [Mobile Legends] ako. Habang nag-e-ML ako, kasi natatakot na ako, e, sabi kasi ni direk: ‘Nak patingin nga ‘yong daliri mo ‘yong hinliliit.’ ‘Di ba sa atin kapag hindi pantay ‘yong hinliliit may naglalaro talaga? So, pag-check ni direk Rommel [Penesa], hindi pantay. Super haba no’ng isa kong daliri,” aniya.

Ayon pa kay Shaira, tila kinausap pa raw niya ang elementong nagpaparamdam sa kaniya. Pinaringgan daw niya ito na kapag may nabasa pa ulit, maniniwala na siya rito. 

“So, habang nag-ML ako humiga ako. Pagbangon ko may tumutulo dito sa may siko ko, pagtingin ko basa siya,” kuwento niya.

Kaya naman, nang madalas pa rin siyang bangungutin, nagpatingin na si Shaira sa tito umano ni Rochelle Pangilinan na isang albularyo. Pagkatapos niyang matawas, natuklasan niya ang elementong nagagalit umano sa kaniya.

“So, tinawas niya ako. Tinawas niya ako tapos do’n sa tawas nakita na may elemento na black, na mabuhok. Na galit na galit sa akin, kasi nabulabog ko raw siya,” wika ni Shaira.

Dagdag pa niya: “Sa bangungot ko sinisigawan ako ng elemento. ‘Yong mukha talaga no’ng entity talaga, galit na galit siya!” 

Dahil dito, hindi tuloy naiwasang matakot ng mga kasamahan ni Shaira sa Running Man Philippines habang ikinukuwento niya ang lahat ng ito.

“O, my gosh! Ang intense,” reaksiyon ni Angel Guardian.