Ayos lang ba sina Nikko Natividad at Vice Ganda? Anyare?

Iyan ang palaisipan ng mga netizen kaugnay ng pinag-usapang buradong Facebook posts ng dating Hashtag member na si Nikko Natividad patungkol sa "dalawang contestants sa TV" na napahiya at tila natrauma sa naranasan nila.

Bagama't walang binanggit o tinukoy na mga pangalan ng tao at show, nagkakaisa ang mga netizen na pumapatungkol ito sa isyu ng pagsita ni Vice Ganda kay Axel Cruz, ang lalaking searchee ng segment na "EXpecially For You," na umano'y nanunggab ng beso nang walang pahintulot sa babaeng searchee na si Christine.

MAKI-BALITA: Posts ni Nikko Natividad, patama kay Vice Ganda?

Netizens nanggigil sa bortang katawan ni Sam Concepcion; tinawag na ‘daddy’

Lumaki ang isyu nang bawiin ni Vice Ganda ang nauna niyang pahayag sa X na mag-aapology siya sa lalaki matapos maglabas ng pahayag sa TikTok si Christine, na umano'y hindi naman daw siya naapektuhan sa ginawa ni Axel, subalit nang makausap ulit ng It's Showtime staff, ay umaming nailang at nabastos daw talaga siya.

MAKI-BALITA: Vice Ganda magso-sorry sa sinitang searchee matapos manunggab ng halik

MAKI-BALITA: Vice Ganda, binawi ang apology sa searchee na nanunggab ng halik

Kaya naman, iba't ibang isyu ang naikapit na kesyo napahiya si Axel at napalabas pa raw na sinungaling si Christine, lalo na nang kumalat ang video ng babae na umiiyak matapos kausapin ng Showtime staff.

Tila nabaligtad kasi ang mundo at bina-bash na ngayon si Christine dahil sa pabago-bagong statement niya.

Ikinagulat naman ng lahat ang pag-post ni Nikko tungkol sa isyu, lalo't ang Hashtag ay dating all-male group na nagsimula sa Showtime.

Ilang minuto lang ay agad na binura ito ni Nikko subalit huli na ang lahat dahil na-screenshot na ito ng mga netizen at kumalat na sa social media.

Maging ang dating kasamahan sa grupo at ngayo'y Kapuso actor na si Luke Conde ay nagbigay rin ng reaksiyon sa isyu, subalit tila kontra naman ito sa sinabi ni Nikko at pumapanig sa ginawa ni Vice Ganda at iba pang co-hosts.

Tinalakay rin ito sa latest episode ng "Ogie Diaz Showbiz Update" at marami ang napapatanong kung may tampuhan o sigalot sa pagitan ng dalawa, para magkomento si Nikko nang ganoon.

Sa Showtime episode nitong Biyernes, Hunyo 7, ay mukhang aware si Vice Ganda sa isyu at ginamit pa ngang biro-pasaring ang pagre-retract at pagde-delete ng posts sa social media bilang hirit, bagay na na-gets naman ng madlang people kung ano ang nais niyang patungkulan.

Kung babalikan ang isa sa mga episode ng Showtime noong Pebrero 2016, nagkaroon pa ng special birthday celebration si Nikko sa nabanggit na noontime show, kung saan nag-message sa kaniya ang mga miyembro ng grupo pati na ang ilang taong malalapit sa kaniya. Si Vice Ganda pa mismo ang isa sa mga nangunang mag-host nito.

Mababasa sa episode title sa ABS-CBN Entertainment, "It's Showtime: Nikko is Vice Ganda's favorite Hashtag member."

"Vice Ganda shares that Nikko Natividad is his favorite among the Hashtag boys," mababasa pa sa caption.

Photo courtesy: Screenshot from ABS-CBN Entertainment (YouTube channel)

Nang sabihin naman ni Nikko na ang birthday wish niya ay sana tumagal pa siya sa showbiz industry, sinabi ni Vice na tiyak na magtatagal pa siya, na tipong tulog na ang lahat subalit may show pa rin siya.

So ang inaabangan ng mga netizen ngayon, ay kung ano ang panig ni Nikko at ano ang kuwento sa likod ng kaniyang cryptic posts na minalisyang patama kay Vice Ganda.

Sa panig naman ni Vice Ganda, gusto ring marinig ang kaniyang reaksiyon sa posts ni Nikko na minsan na niyang naging favorite Hashtag member.

Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag sina Nikko at Vice Ganda tungkol sa isyung ito. Bukas ang Balita para sa kanilang panig.