May 21, 2026

Home BALITA

Bato, bet magpakulong kung kasama sa selda si FPRRD

Bato, bet magpakulong kung kasama sa selda si FPRRD
Photo Courtesy: Bato dela Rosa (FB), via MB

Inamin ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na handa raw siyang magpadampot sa International Criminal Court (ICC) kung makakasama niya sa selda si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang sangkot si Dela Rosa sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, na kasalukuyang nakapiit sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity.

Kinumpirma na rin ng ICC ang kumakalat na arrest warrant laban kay Dela Rosa noon pang Nobyembre 2025.

Maki-Balita: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa   

Kaya sa latest episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” noong Linggo, Mayo 17, inungkat kay Dela Rosa ang nauna niyang pahayag na handa raw siyang samahan si Duterte sa pasilidad ng ICC.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

“Nagbago ang aking posisyon dahil no’ng nando’n na si President Digong at binisita ng mga taga-Davao ay hindi pala puwedeng makabisita basta-basta do’n kundi ‘yong immediate family lang ang puwedeng makakita sa kaniya,” lahad ni Dela Rosa.

“At kung halimbawa ako’y makulong do’n,” pagpapatuloy niya, “hindi naman guarantee na isang selda lang kami at puwede akong bumisita sa kaniya. So it defeats my purpose of going there, kung gano’n lang ang mangyayari. Hindi kami magkasama.”

“Pero kung makukulong din kayo do’n sa The Hague… eh ‘di at least magkasama ho kayo. Di ho ba ‘yon ang gusto n’yo, sabi n’yo dati?” sundot ni Soho.

“Depende,” sagot ni Dela Rosa. “Kung magkasama kami sa selda. Pero kung hindi, malayo, kahit ni ‘ha’ ni ‘ho’ walang magiging communication between us, it defeats the purpose nga.”

Paniniyak pa ng Kapuso award-winning journalist, “So willing kayo na magpakulong basta malapit ‘yong selda ninyo kay Digong?” 

“Kung sigurado,” anang senador.

“’Yon naman po pala. Willing naman po pala kayong magpakulong, bakit ayaw n’yo pa pong sumama?” usisa ulit ni Soho.

Pero katwiran ni Dela Rosa, simula’t sapul ay hindi raw  talaga niya kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas dahil hindi na ito miyembro nito.

“Our government is no obligation to effect the warrant of arrest issued by ICC dahil hindi na tayo miyembro, e,” aniya.

Ito ay kahit opisyal nang kinumpirma ng ICC noong Abril na saklaw ng kanilang hurisdiksyon ang crimes against humanity na kaso ni Duterte.