May 21, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Kaye, breast cancer survivor: Mister na si Paul Jake, 'pinakaba' ang netizens

Kaye, breast cancer survivor: Mister na si Paul Jake, 'pinakaba' ang netizens
Photo courtesy: Paul Jake Castillo (FB)

Napa-react at napakomento ang mga netizen sa ibinahaging art card ni "Pinoy Big Brother: Double Up" runner-up winner at negosyanteng si Paul Jake Castillo bilang pagpupugay sa kaniyang misis na si Kaye Abad, matapos nitong ibahagi sa publiko na isa na siyang "breast cancer survivor."

Ikinagulat ng fans, followers, at netizens ang pagbabahagi ng aktres na matagumpay niyang nalampasan ang kaniyang naging laban kontra breast cancer.

Hindi kasi nagbigay ng anumang hint si Kaye tungkol sa seryosong health challenges na kaniyang pinagdaanan noon pang 2025.

Noong Pebrero 2026, ibinahagi ni Kaye na dinapuan siya ng viral infection na "Herpangina." Pero never niyang nabanggit ang tungkol sa kaniyang breast cancer.

Sa kaniyang birthday vlog na inilabas nitong Linggo, Mayo 17, ikinuwento ni Kaye ang halos isang taong pagdodokumento ng kaniyang breast cancer journey, kabilang ang pagpapagamot niya kasama ang mister na si Paul Jake, sa Singapore.

Tsika at Intriga

Andrea Del Rosario, nagbiro sa mga may pic kasama si Bato: 'Lahat kayo for questioning daw!'

Ayon kay Kaye, nagsimula ang lahat nang makaranas siya ng matinding pananakit ng tiyan na una niyang inakalang simpleng acidity lamang. Gayunman, tumagal umano ito nang halos anim na oras kaya nagdesisyon siyang magpatingin sa doktor.

Sa isinagawang check-up, nadiskubreng mayroon siyang mga bato sa gall bladder dahilan upang sumailalim siya sa operasyon para maalis ito. Kasunod nito, iminungkahi rin umano ng doktor na sumailalim siya sa mammogram dahil na rin sa kaniyang edad.

Doon na natuklasan na may malignant o cancerous tumor na tumutubo sa kaniyang dibdib na umaabot na umano sa apat na sentimetro ang laki.

Ibinahagi rin ni Kaye na pansamantala muna nilang ipinagkatiwala sa kanilang mga kaanak ang dalawa nilang anak habang nakatuon siya sa gamutan at pagpapagaling.

Aminado rin ang aktres na may kasaysayan ng breast cancer sa kanilang pamilya kaya hindi na rin lubusang nakakagulat ang naging diagnosis sa kaniya.

Sa kabila ng matinding pagsubok, sinabi ni Kaye na malaking tulong ang kaniyang matibay na pananampalataya sa Diyos at walang sawang suporta ng kaniyang asawa at pamilya upang malampasan ang sakit.

Dahil dito, masaya niyang inanunsyo na maituturing na niyang cancer-free ang kaniyang sarili.

Umani naman ng suporta, panalangin at pagbati mula sa mga netizens at kapwa celebrities ang naging rebelasyon ng aktres tungkol sa kaniyang matagumpay na laban kontra cancer.

Mapapanood ang kabuuang journey ni Kaye sa kaniyang YouTube channel.

Maki-Balita: Survivor na! Kaye Abad nanggulat, ibinahagi ang breast cancer journey niya

Samantala, may simple pero meaningful birthday post naman si Paul Jake para sa kaniyang matapang na misis, kalakip ang isang black and white na larawan ni Kaye.

"To the person who keeps this family tight, we love you sooo much!!! We love you so much!!!" mababasa sa caption ng post ni Paul Jake.

Photo courtesy: Paul Jake Castillo (FB)

Sa comment section naman, nagpahayag ng "kaba" ang mga netizen dahil sa kulay ng art card, lalo't kakanood lang daw nila ng vlog ni Kaye tungkol nga sa breast cancer journey niya.

Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens.

"anu bayan... natakot akong bigla!!!! kaloka!!!"

"kinabahan ako paul jake"

"but black/white gulat bigla ehhhh"

"kaloka, kakabasa q lang ung post na cancer survivor xa tapos makikita q ung ganito.. maano bang kinulayan mo naman sir Paul Jake... ung kaba q eh, idol q pa naman c Ms Kaye Abad.."

"Sir**lo din 'tong si PJ eh noh, matapos kami umiyak at naka survive man siya, magpopost ka na para bang sumama na sa liwanag siya paki kulayan naman po please.... Happy Birthday Ms. Kaye Abad! I admire your strong faith to God"

"bakit naman yan black and white sir..ang alam ko Cancer free na siya eh"

Photo courtesy: Screenshots from Paul Jake Castillo (FB)

Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag sina Paul Jake at Kaye tungkol sa mga kuda at hanash ng netizens sa post.