Nag-react si actress-host Anne Curtis sa inilabas na inisyal na resulta ng survey ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada hinggil sa pananaw ng mga senador sa divorce bill.

Base sa inisyal na survey ni Estrada na kaniyang isinapubliko kamakailan, makikitang pabor sa divorce bill sina Senador Risa Hontiveros, Senador Robin Padilla, Senador Grace Poe, Senador Imee Marcos, at Senador Pia Cayetano.

Salungat naman daw sa naturang panukala sina Senate President Chiz Escudero, Senador Francis Tolentino, Senador Joel Villanueva, Senador Ronald “Bato” dela Rosa, at maging si Estrada.

“Puro lalake ung nag no. 😂,” reaksyon naman ni Anne sa kaniyang X post nitong Huwebes, Mayo 30.

Matatandaang noong Mayo 22, 2024 nang pumasa sa ikatlo at huling pagdinig ng Kamara ang House Bill 9349 o ang Absolute Divorce Bill matapos bumoto bilang sang-ayon ang 126 mambabatas, habang 109 ang sumalungat at 20 ang nag-abstain.

Samantala, pending naman sa ikalawang pagdinig ng plenaryo ang version ng Senado ng naturang panukalang divorce.