Patay ang isang retiradong pulis nang manlaban umano sa mga ‘di kilalang holdaper na nangholdap sa kanyang tindahan sa Taytay, Rizal nitong Miyerkules.

Dead on arrival sa Taytay Emergency Hospital ang biktimang si retired cop Gary Boco, 46, at residente ng naturang lugar dahil sa tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan habang mabilis namang nakatakas ang dalawang salarin na inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Batay sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, nabatid na dakong alas- 2:50 ng hapon nang maganap ang krimen sa tindahan ng biktima sa Brgy. Sta Ana, Taytay.

Kasalukuyan umanong nagbabantay ng tindahan ang biktima nang bigla na lang huminto ang mga suspek, na magkaangkas sa isang itim na Yamaha Mio Sporty na may improvised plate number.

Bumaba umano ang backrider nito at kaagad na tinutukan ng baril ang biktima at nagdeklara ng holdap.

Nagawa naman umanong manlaban ng biktima at sinunggaban ang baril ng holdaper ngunit sa kanilang pag-aagawan ay dalawang ulit na pumutok ang baril at tinamaan ang biktima.

Dahil sa pagkataranta, mabilis na kumaripas ng takbo ang mga salarin upang tumakas at inabandona ang kanilang motorsiklo at ang baril na ginamit sa krimen.

Naisugod naman sa ospital ang biktima ngunit patay na ito.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang mga salarin upang panagutin sa krimen.