Bagama’t bumaba ang kaniyang rating, si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ang nananatiling “most approved” at “most trusted” na opisyal ng pamahalaan, ayon sa survey ng Tangere.
Base sa lumabas na survey, bumaba nang isang puntos ang satisfaction rating ni Duterte, kung saan mula 54% noong Marso ay naging 53% ito nitong Abril 2024.
Naging 62% naman ang trust rating ng bise presidente nitong Abril mula sa 64% na natanggap niya noong Marso.
Sa kabila nito, si Duterte pa rin ang lumabas na nakatanggap ng pinakamataas na porsyento ng satisfaction at trust ratings ng naturang survey.
Pinakamataas daw ang 53% na satisfaction rating ni Duterte kumpara sa bahagyang tumaas na satisfaction rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na 42%, maging sa natanggap nina Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri at House Speaker Martin Romualdez na parehong 42%, at Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo na 37%.
Bukod dito, ang 63% daw na trust rating ng bise presidente ang pinakamataas kumpara sa 54% na natanggap ni Marcos, maging sa 53% na kapwa natanggap nina Zubiri at Romualdez at 42% ni Gesmundo.
Isinagawa raw ng Tangere ang kanilang survey mula Abril 24 hanggang 27, 2024 sa pamamagitan ng “mobile-based respondent application,” na may sample size na 2,400.
Gumamit daw ang survey, na may ± 2.20% margin of error at 95% confidence level, ng Stratified Random Sampling method (quota-based sampling).