Ipinahayag ni Senador Raffy Tulfo na wala siyang planong kumandidato bilang pangulo ng bansa sa 2028 dahil sakit lamang umano ito sa ulo lalo na't ngayon pa lamang daw ay marami nang naninira sa kaniya matapos niyang manguna sa mga survey para 2028 Presidential preference ng mga Pilipino.
Sa isang panayam ng “Headstart” ng ABS-CBN News Channel (ANC) nitong Huwebes, Mayo 9, sinabi ni Tulfo na nag-eenjoy siya ngayong bilang senador.
"Wala sa utak ko ang pagtakbo as president sa 2028. Naka-focus ako ngayon sa Senado. I'm enjoying being a senator. I'm enjoying that much being a senator," ani Tulfo.
"Isa pa, sakit sa ulo lang 'yan. Sa ngayon pa nga, ang dami ko nang sakit sa ulo. Left and right, marami nang nagagalit sa akin because of all these surveys. ‘Yung mga fake news, bina-bash ako, etc.," dagdag pa niya.
Kaugnay nito, sinabi ni Tulfo na baka kapag tumakbo pa raw siya bilang presidente sa 2028 ay mas dumami pa ang mga taong maninira sa kaniya.
“Kung halimbawa meron akong 10% sakit sa ulo dahil may mga taong ayaw akong patakbuhin o galit sa akin o naiinggit, etc., so much more siguro baka ‘yung 10% maging 110% na ‘yung mga taong sisira sa akin,” saad ni Tulfo.
“I’m enjoying being a senator. I’d like being a senator. Sa 2028, re-election at the most ang pwedeng gagawin ko," dagdag pa niya.
Matatandaang kamakailan lamang ay nanguna si Tulfo sa survey ng Pulse Asia Research hinggil sa nais umano ng mga taong maging pangulo sa 2028.