Dead on the spot ang dalawang rider nang sumalpok ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang trailer truck sa Tondo, Manila nitong Lunes ng madaling araw.

Nakilala lamang ang nagmamaneho sa motorsiklo na si Richard Rivera habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kanyang backrider.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Lumilitaw sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) na dakong alas-12:20 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa northbound lane ng Mel Lopez Boulevard kanto ng Jacinto St., sa Vitas, Tondo.

Nauna rito, mabagal umanong binabagtas ng trailer truck (NGL 7164) na minamaneho ni alyas ‘Wakray,’ 37, ang northbound lane ng Mel Lopez Boulevard nang huminto ito upang bigyang-daan ang mga tumatawid na pedestrian sa lugar.

Nang makatawid ang mga pedestrian ay dahan-dahan na umanong muling umusad paabante ang truck ngunit pagsapit sa Jacinto St. ay bigla na lang sumalpok sa likurang bahagi nito ang Yamaha Sniper na may conduction no. 1301-0868108, na sinasakyan ng mga biktima.

Sa tindi ng impact ng pagkabangga ay nawasak umano ang motorsiklo at tumilapon ang mga sakay nito, na nagresulta sa kanilang agarang kamatayan.

Ayon naman sa barangay tanod na si Michael Calimbo, base umano sa pahayag ng medic, tila nakainom umano ng alak ang mga sakay ng motorsiklo nang maganap ang aksidente.

Nabatid na patungo sana ang trailer truck sa Port of Manila nang maganap ang pangyayari.

Naninindigan din naman ang driver ng truck na wala siyang kasalanan sa pangyayari dahil ang mga biktima ang bumangga sa kanya.