Patuloy pa ring umiiral ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa buong bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Mayo 2.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, may tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated light rains o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa, partikular na pagsapit ng hapon o gabi, dahil sa easterlies at localized thunderstorms.
Posible ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms sa isang lugar, ayon sa PAGASA.
Samantala, inaasahan pa rin daw ang maalinsangang panahon at mataas na temperatura sa bansa dahil sa patuloy na epekto ng El Niño at dulot na rin ng panahon ng tag-init.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).