Nagbigay ng reaksiyon ang TV host-actress na si Jolina Magdangal kaugnay sa isyung mamaalam na raw sa ere ang “Magandang Buhay.”

Sa eksklusibong panayam ni showbiz insider Ogie Diaz nitong Martes, Abril 30, nilinaw ni Jolina na hindi raw totoo ang kumakalat na balita.

“Hindi totoong nag-end na ang ‘Magandang Buhay’?” paniniyak ni Ogie.

“Hindi, kasi feeling ko rin kung mag-end ‘yon, bakit hindi kami magpo-post? Or bakit hindi kami magte-thank you sa lahat ng nanonood, ‘di ba. Pero dahil okay ‘yong ‘Magandang Buhay’ pa, why not na panoorin pa rin natin kahit replay?” sagot ni Jolina.

Teleserye

Buong produksiyon ng 'Batang Quiapo,' pina-drug test ni Coco

“Pero sa ngayon nga siguro ang napapanood siguro nila ay mga replay dahil talaga naman from the start naman no’ng pandemic saka no’ng nagkaroon nga ng problema tayo sa network, ‘yon naman ‘yong sinabi talaga sa amin na may mga replay na,” aniya.

Dagdag pa niya: “So, sanay kami talaga na may replay. Pero ngayon na may mga nangyari sa ibang channel, talaga puro replays muna kami. But masaya kami na bago matapos ang April mayro’n na ulit kaming mga episode na ite-tape.”

Kaya naman, antabay na lang muna ang fans sa bagong episode ng naturang morning talkshow na niluluto ng mga momshie na sina Jolina, Regine Velasquez, at Melai Cantiveros.