Matagumpay na napa-exit ang karakter ng pumanaw na batikan at award-winning actress na si Jaclyn Jose sa huling kinabilangang action-drama series na "FPJ's Batang Quiapo" na pinagbibidahan at idinederehe rin ng kaniyang anak-anakang si Coco Martin.

Sa episode ng Batang Quiapo noong Abril 17, lumabas ang arrest warrant para kay Chief Dolores Espinas para sa mga patong-patong na kaso na inihain naman sa kaniya ng karakter ni John Estrada na si "Rigor."

Suwabe ang pagkaka-edit sa eksena dahil ang ipinakita na lamang ay mga dating eksena o footage ni Jaclyn, lalo na ang close-up sa mukha niya.

Ang katawan at likod na ipinakita sa eksena, lalo na ang paghuli sa kaniya at pag-escort nina John, Allan Paule at iba pang karakter na pulis, ay naturalmenteng sa double na lang, pero hindi nahalata dahil kasimputi, kasing-tangkad, at kasing-katawan ito ni Jaclyn. Bahagyang ipinakita ang side view ng mukha ng double ni Jaclyn at in fairness, parang kay Jaclyn nga.

Teleserye

Kilig sa pagniniig: Alden at Sanya may 'digmaan' daw sa stock room

Kung gayon, sa kuwento ng Batang Quiapo ay buhay na buhay pa rin si Jaclyn.

Pinuri naman ng mga netizen ang mahusay na pagkaka-exit kay Jaclyn sa serye.

"Lumang footage yung mga close-ups kay Espinas, body double yung iba. Ito ata ang best possible way na tuloyan ang storyline niya. RIP Ms Jaclyn."

"Galing ng director nagawan ng paraan ang pag exit ni Chief Espinas."

"Smooth at hindi pilit! Mahusay!"

"Unpredictable kasi ang maiisip kaagad, papatayin na lang. Good job!"

"The closure of Jaclyn Jose's appearance as an actress on her final project, and as a human being. Again, prayers for the bereaved families."

"Nakakatuwa na binuhay pa nila si Jaclyn sa kuwento. Very symbolic, na hindi mamamatay sa mga alaala natin ang mahusay na aktres na ito."

Matatandaang noong Marso 3 ay binawian ng buhay si Jaclyn sa kaniyang bahay sa Quezon City dahil sa atake sa puso, sa kumpirmasyon na rin ng kaniyang anak na si Andi Eigenmann.

Bago pumanaw, dream come true kay Jaclyn na mapabilang sa serye ni Coco, na ayon na rin sa kaniya, hindi raw kompleto ang pagiging artista kung hindi makakatrabaho ang lead star at hindi mapapasama sa serye nito.

MAKI-BALITA: Jaclyn Jose, pumanaw na