Hindi biro ang maging magulang. Mahirap magpalaki ng anak. Lalo na kung mag-isa mong ginagampanan ang dalawang tungkulin: tumayong ina at ama ng mga bata.

May iba’t ibang dahilan kung bakit nagiging solo parent ang isang tao. Pwedeng dahil sa pasya niyang makipaghiwalay sa bayolenteng asawa. O kaya ay dahil maagang namayapa ang kaniyang bana. O pwede ring tinakasan ng kaniyang kabiyak ang responsibilidad na kaakibat ng pag-aanak.

Ano’t anoman, isang malaking hamon ito na kailangang harapin at suungin. Susubukin ang tapang mo at tatag. Hanggang saan mo kakayanin? 

Kaya naman, malaking bagay ang inisyatibo ng mga mambabatas na isulong ang Republic Act 11861 o mas kilala rin bilang Expanded Solo Parents Welfare Act of 2022. 

Kahayupan (Pets)

Libreng kapon sa mga pusang 'Maris' at 'Anthony' ang pangalan, handog ng isang veterinarian

Sa ilalim ng batas na ito, ginugunita at kinkilala ng pamahalaan ang mahalagang gampanin ng isang solong magulang na nagtataguyod ng kapakanan ng mga anak sa pamamagitan ng pagdedeklara sa ikatlong linggo at ikatlong Sabado ng Abril bilang Solo Parents Week at National Solo Parents Day. 

Bukod pa rito, saklaw din ng benepisyong matatanggap ng isang solo parent ang pagkakaroon ng monthly subsidy at Philhealth coverage para sa mga minimum wage earner. Gayundin ang discount sa mga sumusunod: gatas ng sanggol, diaper, gamot, bakuna para sa anak nilang nasa edad anim pababa. Mayroon din silang 7 days of paid parental leave anoman ang kanilang trabaho.

Samantala, bilang pakikiisa ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa pagdiriwang na ito, magbibigay sila ng libreng sakay para sa mga solong magulang sa araw na ito, Sabado, Abril 20.

MAKI-BALITA: Solo parents may libreng sakay sa LRT-2 at MRT-3

Sa lahat ng solo parents, ipinapaabot po ng Balita ang buong-pusong pagsaludo namin sa inyo. Padayon at mabuhay po kayo!