Nagbabala sa publiko ang singer-songwriter, komedyante, at "It's Showtime" host na si Ogie Alcasid sa publiko na hindi totoo ang mga kumakalat na larawang naospital siya dahil sa osteoarthritis at gumaling siya dahil sa pinahid na cream.

Sa kaniyang Instagram post nitong Sabado, Abril 13, inilakip ni Ogie ang ilang mga larawan kung saan makikitang nasa isang ospital siya at nakaratay sa hospital bed.

Mababasa rito na nagpapasalamat siya sa ospital dahil sa pag-aasikaso sa kaniya, at nakatulong nang malaki ang ginamit niyang cream para mawala ang nabanggit na sakit.

May kasama pa itong larawan ng isang doktor, ng packaging ng cream, at isa pang larawan ni Ogie na tila malakas na siya at nakakapag-outdoor activity na.

Sa caption, mariing pinabulaanan ni Ogie na hindi niya ineendorso ang cream

"Hindi ko po iniindorso ito at wag po kayo magpaloko," aniya.

Nag-reply naman dito ang award-winning actress na si Alessandra De Rossi.

"Ang taray ng cream pero sa hospital nagpagamot hahahuhuhu," aniya.

Kaya advise ng mga netizen sa mga kapwa netizen, magbasa-basa munang maigi para hindi mapaniwala ng mga gumagawa ng pekeng endorsement, na kunwari, ineendorso ito ng mga sikat na celebrity.