Patay ang isang 81-anyos na lolo nang gulpihin ng kanyang adik na apo sa harapan mismo ng kanilang tahanan sa Sta. Ana, Manila nitong Lunes ng gabi.

Bigo ang mga doktor ng Sta. Ana Hospital na maisalba ang biktimang si Jesus Rivera, 81, ng 1858 Oro-B, Sta. Ana, Manila matapos na bawian ng buhay dahil sa matinding sugat sa ulo at bugbog.

Samantala, nakatakas at tinutugis na ng mga awtoridad ang kanyang apong suspek na si Reymart Tanghal, 27, residente rin ng naturang lugar.

Lumilitaw sa imbestigasyon ni PMSg Arvy Macarasig ng Manila Police District (MPD) - Homicide Section, na dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa harapan ng bahay ng biktima.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Bago ang krimen ay nakita umano ng mga testigo ang biktima at kanyang asawa na lumabas ng bahay habang sumisigaw at nagmumura.

Maya-maya ay sinundan umano ito ng kanyang apo at kaagad na pinagsusuntok hanggang sa tuluyang bumagsak sa sementadong kalsada.

Tinangka umanong bumangon ng biktima ngunit itinulak siya ng apo sanhi upang humampas ang ulo sa pader at pumutok ito.

Kahit naman duguan na ang lolo ay hindi pa rin siya tinigilang bugbugin ng kanyang apo.

Naawat lamang umano ang apo sa pambubugbog nang dumating ang kanyang ina at awatin siya.

Kaagad ring isinugod ang biktima sa pagamutan ngunit binawian rin buhay habang tumakas naman ang suspek.

Kwento ng ina ng suspek, bago ang krimen ay nag-aaway sila ng kanyang asawa, na ama ng suspek.

Nakita umano ng kanyang ama (biktima), na noon ay nakainom, ang pag-aaway nila ng kanyang asawa dahil sa pera kaya’t nagalit ito sa kanyang asawa at pinagmumura ito.

Dito na umano nagising ang suspek at nang makita ang lolo na pinagmumura ang kanyang tatay ay kaagad na itong ginulpi.

Hinala naman ng mga awtoridad na posibleng dati nang may galit ang suspek sa lolo dahil madalas umano siya nitong pagalitan dahil sa paggamit ng ilegal na droga.