Isinusulong ni Senador Robin Padilla na gawing Special Non-working Holiday kada taon sa bansa ang anibersaryo pagkakatatag ng Iglesia ni Cristo (INC) na Hulyo 27.

Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes hinggil sa kaugnay na panukalang batas nitong Lunes, Marso 18, iginiit ni Padilla na nararapat lamang na gawing holiday ang founding anniversary ng INC para alalahanin umano ang ambag nito sa Pilipinas sa nakaraang 110 taon.

"Sa kasalukuyan, ang [INC] ay may internasyunal na miyembro kabilang ang 151 na racial at ethnic backgrounds. Mayroon po itong halos 7,000 na kongregasyon at misyon na nakagrupo sa lampas 178 ecclesiastical districts sa iba't-ibang bansa at hurisdiksyon sa buong mundo,” pahayag ni Padilla.

“Ang nais po ng panukalang ito ay bigyang-daan ang milyun-milyong mga miyembro ng INC kapilya upang magkaroon ng angkop na selebrasyon at pagbabalik-tanaw sa mahalagang araw na ito sa kanilang kasaysayan,” dagdag niya.

Ayon pa sa senador, kahit hindi siya INC ay nasaksihan daw niya ang magagandang misyon ng naturang relihiyon.

"Ako po mismo ay witness sa mga ginawang magagandang bagay ng [INC],” ani Padilla.

“Nakita ko ang kanilang lingap 'di lang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Nasaksihan ko po ang para sa akin ay very godly na mga misyon ng [INC], hindi lang po sa Kristiyano kundi sa mga Muslim," saad pa niya.

Itinatag ni Felix Manalo ang INC sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914.