Patay ang isang ginang nang pagtatagain ng di kilalang salarin sa loob mismo ng kaniyang tahanan sa Tanay, Rizal nitong Lunes ng madaling araw, Marso 18.

Kinilala ang biktima na si Jeny Reyes, 59, residente ng Brgy. Sampaloc, Tanay habang inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng salarin, na mabilis na nakatakas matapos ang krimen.

Lumilitaw sa paunang report ng Tanay Municipal Police Station na dakong alas-3:15 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa loob ng bahay ng biktima.

Sa salaysay ng testigong si Wilson Catambay, 39, nabatid na nasa loob siya ng kanyang bahay nang marinig ang biktima na tinatawag ang kanyang pangalan at humihingi ng tulong.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Kaagad naman niya itong pinuntahan upang alamin kung ano ang nangyayari ngunit pagdating umano niya sa bahay ng biktima ay hindi na ito tumutugon sa kanyang tawag.

Tinangka rin umano niyang buksan ang pinto ngunit naka-locked ito mula sa loob kaya’t hindi niya nagawang makapasok ng bahay.

Dahil dito, kaagad na humingi ng tulong ang testigo sa kanyang mga kapitbahay at maging sa Barangay Peace Keeping Action Team sa kanilang lugar.

Dito na nila nadiskubre ang biktima na nakahandusay na sa sahig, may mga taga sa katawan at naliligo sa kanyang sariling dugo kaya’t humingi na ng tulong sa mga pulis.

Masusi naman nang iniimbestigahan ang krimen para sa agarang ikareresolba nito.