Maugong na usap-usapan ngayon ang hindi inaasahang "plot twist" ng mga noontime show matapos mapaulat na umano'y magbabalik-TV5 ang TV host na si Willie Revillame, matapos maispatang kasama ang mga bossing ng Kapatid Network at Cignal TV.

Lumutang ang espekulasyong may bago na ulit tahanan ang "Wowowin" na umalis na sa ALLTV matapos i-post ng opisyal na Facebook page nito ang pakikipagkita ni Willie kasama ang TV5 at Cignal executives.

"BREAKING NEWS! Mga Big Boss ng TV5 at si Kuya Wil Willie Revillame nagkita! Jane Basas - President of Mediaquest and Cignal TV; Guido Zaballero - President of TV5; John Andal - CFO of Mediaquest; and Attorney Buko of Divina Law," mababasa rito.

Maging si Buko Dela Cruz ay ipinost din ang larawan sa kaniyang Facebook account, na naka-locate sa TV5 Media Center.

Events

Drag Race PH Season 3, mapapanood na sa Agosto

"Wowowee sa TV5 ???😊👍" caption niya rito.

Well, kung tutuusin ay hindi na bago kay Willie ang tumapak sa TV5. Minsan na rin niyang naging tahanan ito mula 2010 hanggang 2013 dahil sa mga programang Willing Willie, WillTime Bigtime, at Wowowillie, bago siya umober da bakod sa GMA Network.

Ayon naman sa ulat ng PEP, ilalagay raw ang Wowowin pagkatapos ng Eat Bulaga.

Samantala, maingay rin ang tsikang inaayos na lamang daw ang lahat at lilipat na sa time slot na nabakante ng "Tahanang Pinakamasaya" sa GMA Network ang "It's Showtime" na umeere naman sa GTV, sister channel ng Kapuso Network.

Wala pang kumpirmasyon tungkol dito, subalit batay sa hirit ni Vice Ganda sa isa sa mga episode ng programa, may narinig daw siyang pinag-uusapan mula sa management, na tiyak daw na magandang balita para sa kanila at para sa lahat.

Bukod dito, napapatanong din ang mga netizen kung babalik na rin ang "It's Your Lucky Day" na nabuong noontime show at pansamantalang humalili sa Showtime noong nasuspinde sila bandang Oktubre 2023.

Pero pinabulaanan ni Luis na ang programa nila ang isasalpak sa nabakanteng time slot ng TP dahil makakatapat daw nila kapag nagkataon ang Showtime.

Ito kaya ang makakatapat naman ng Wowowin sa TV5? Abangan!