Patuloy pa ring umiiral ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Marso 16.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdadala ang malamig na hanging amihan ng maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong mahihinang mga pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at Cagayan Valley.

Wala namang inaasahang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan sa nasabing mga lugar.

Samantala, malaki ang tsansang magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, maging ang localized thunderstorms ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.

Pinag-iingat naman ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).