Isang magnitude 4.4 na lindol ang yumanig sa probinsya ng Surigao del Sur nitong Sabado ng gabi, Marso 16, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang lindol na tectonic ang pinagmulan dakong 8:28 ng gabi.
Namataan ang epicenter nito 18 kilometro ang layo sa hilagang-silangan ng Cortes, Surigao del Sur, na may lalim na 31 kilometro.
Naitala ang Instrumental Intensity I sa City of Tandag, Surigao del Sur; City of Surigao, Surigao del Norte, at sa City of Cabadbaran, Agusan del Norte.
Wala namang inaasahan ang Phivolcs na posibleng aftershocks ng nasabing lindol.
Hindi rin umano inaasahang magdudulot ng pinsala ang nasabing pagyanig.