Binawi na ng Office of the Ombudsman ang suspension order laban sa 20 tauhan ng National Food Authority (NFA) na isinasangkot sa umano'y maanomalyang bentahan ng rice buffer stocks sa malalaking negosyante.

Kinumpirma ni Ombudsman Samuel Martires sa panayam sa telebisyon nitong Biyernes, na natuklasan ng mga imbestigador ng anti-graft agency na mali ang impormasyong nasa listahang ibinigay sa kanila ng Department of Agriculture (DA).

"Kung may pagkakamali sa listahan na iyan, hindi namin kasalanan iyon. Hindi ko alam kung sino nanloko sa amin," ani Martires.

Ang mga tinanggalan ng suspensyon ay kinabibilangan ng mga warehouse supervisor na nakatalaga sa Iloilo, Antique, Cabanatuan, Metro Manila, ayon sa Ombudsman.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Sinabi ni Martires, napansin din nila sa listahan ang mga pangalan ng empleyado ng NFA na matagal nang binawian ng buhay. 

Paliwanag ni Martires, sa pagkakaalam nila ay listahan ito ng mga miyembro ng task force for El Niño. 

"Ang tanong lang namin, kung listahan ng task force ng El Niño, bakit sinama 'yung mga kawani na patay na? Ano 'yung purpose noon? Niloloko n'yo ang secretary of Agriculture?" pagdidiin ng Martires.

Iniimbestigahan na rin ng anti-graft agency ang usapin.

Matatandaang sinuspindi ng Ombudsman nitong Marso 4 ang 139 opisyal at empleyado ng NFA kasunod na rin ng bagsak-presyong bentahan ng buffer stocks nito sa malalaking rice trader.