Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Marso 15, dahil sa northeast monsoon o amihan, shear line, at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Aurora, Quezon, at Camarines Norte bunsod ng shear line o ang “boundary line” kung saan nagsasalubong ang malamig at mainit na hangin.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Batanes at Cagayan dulot ng malamig na hanging amihan.

Bukod dito, inaasahang magdadala rin ang amihan ng maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong mahihinang mga pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, and the rest of Central Luzon at Cagayan Valley.

Wala namang inaasahang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan sa naturang mga lugar sa bansa.

Samantala, inihayag din ng PAGASA na maaaring makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, at sa localized thunderstorms.

Posible naman daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalakuyan ay may namamataan ang PAGASA na kumpol ng kaulapan o cloud cluster sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), ngunit wala naman daw itong epekto sa bansa at hindi inaasahang mabubuo bilang low pressure area (LPA) o bagyo.