Tatlong weather system ang kasalukuyang nakakaapekto sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Marso 14.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, patuloy na umiiral sa bansa ang northeast monsoon o malamig na hanging amihan, easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, at shear line o ang “boundery line” kung saan nagsasalubong ang malamig at mainit na hangin.
Pagdating sa magiging lagay ng panahon sa loob ng 24 oras, inihayag ng PAGASA na malaki ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Aurora, Quezon, at Camarines Norte bunsod ng easterlies.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region dulot ng amihan.
Bukod dito, inaasahang magdadala rin ang amihan ng maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong mahihinang mga pag-ulan sa Ilocos Region at mga natitirang bahagi ng Central Luzon.
Wala namang inaasahang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan sa naturang mga lugar sa bansa.
Samantala, inihayag din ng PAGASA na maaaring makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies at localized thunderstorms.
Posible naman daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).