Mainit na panahon ang inaasahang maranasan sa malaking bahagi ng bansa ngayong Martes, Marso 5, dahil sa patuloy na pag-iral ng easterlies at paghina ng northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdadala ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maulap na kalangitan na may katamtamang kalat-kalat na mahihinang pag-ulan at thunderstorms sa Davao Region, Surigao del Sur, Cagayan, Isabela, at Aurora.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Bukod dito, inaasahan din daw na magdudulot ang easlies, maging ang localized thunderstorms, ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.

Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Samantala, inihayag ng PAGASA na may namataan itong cloud clusters sa silangang karagatan ng Mindanao na posible raw na magdala ng mga kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat, at pagkulog mamayang hapon sa mga kalapit na lugar.

Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR). Maliit din daw ang tsansang may pumasok o mabuong bagyo sa loob ng PAR hanggang sa matapos ang linggong ito.