Kalaban natin ang oras sa pagsugpo sa krisis sa klima. Mahalaga ang mabibilis at malalaking hakbang upang agaran nating mapigilan ang patuloy na pag-init ng temperatura ng mundo.
Ang pagpapagaan sa pagbabago ng klima ay isang napakahirap na pagsisikap kahit na para sa mga pinakamauunlad na bansa. Dahil sa antas ng greenhouse gas (GHG) na nasa atmospera—na tumataas pa rin dahil ang mga bansa ay nasa proseso pa ng paglipat sa net-zero emissions—hindi magiging sapat ang malalim na pagbawas sa mga emisyon. Malaki ang maitutulong kung gagamitin natin ang teknolohiyang carbon capture and storage (CCS).
Noon pang 2005, ang Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) ay naglathala ng Special Report on Carbon Dioxide (CO2) Capture and Storage (CCS), upang suriin ang pamamaraang ito bilang karagdagang diskarte para sa pagpapagaan ng pagbabago ng klima.
Ang CCS ay ang proseso ng paghihiwalay ng CO2 mula sa pinagmumulan nito at pagdadala nito sa isang lokasyon ng imbakan—gaya ng mga rock formation sa ilalim ng lupa—para sa pangmatagalang paghihiwalay mula sa atmospera. Kapag ang nakuhang CO2 ay ginamit, ang pamamaraan ay tinutukoy na ngayon bilang carbon capture, utilization and storage (CCUS).
Sa mga mas bagong ulat ng IPCC, tulad ng 6th Assessment Report (AR6) noong 2022, kinikilala nito ang pangangailangan para sa carbon dioxide removal (CDR) upang makatulong na makamit ang mga target sa klima, partikular na sa pag-counterbalance ng mga natitirang emissions na mahirap bawasan, tulad ng sa aviation, agriculture, shipping, at industrial na proseso.
Ngunit binigyang-diin nito na ang CDR ay dapat lamang tumulong, hindi pumalit, sa mga diskarte sa pagbabawas sa paggamit ng fossil fuel.
Sa ibang mga mauunlad na bansa, nag-uumpisa na silang gumamit ng mga CCS na teknolohiya.
Noong nakaraang taon, inihayag ng gobyerno ng United Kingdom (UK) na mamumuhunan ito ng GBP20 bilyon para sa maagang pag-deploy ng mga proyekto ng CCUS; habang inilunsad ng European Union (EU) ang Net-Zero Industry Act, na naglalayong magkaroon ng 50 milyong tons per annum (Mtpa) ng imbakan ng CO2 sa 2030.
Sa China, tatlong proyekto ng CCS ang naging operational noong nakaraang taon. Mayroon na ito ngayong 11 operating facility, kabilang ang una nitong commercial-scale CO2 transport pipeline.
Isinasaalang-alang din ng Japan ang CCS bilang isang mahalagang diskarte para makamit ang layunin nitong carbon neutrality pagsapit ng 2050. Nilalayon nitong magkaroon ng operasyon ang unang komersyal na pasilidad nito sa 2030, na may trajectory patungo sa 240 Mtpa CO2 na nakaimbak sa 2050.
Ayon sa ulat ng Global CCS Institute noong 2023, mayroong 41 na pasilidad ng CCS sa buong mundo na gumagana na, na may kabuuang kapasidad sa pagkuha na 49 Mtpa. Samantala, mayroong 351 na proyekto ng CCS sa iba’t ibang bansa na nasa iba’t ibang yugto ng pag-unlad, na kumakatawan sa kapasidad ng pagkuha na humigit-kumulang 311 Mtpa.
Batid natin na hindi pa opsyon sa ngayon ang CCS para sa Pilipinas dahil ang teknolohiya ay nangangailangan ng malaking enerhiya at kapital, ngunit ito ay dapat na rin maging bahagi ng mga pag-uusap, dahil ito ay magiging isang mahalagang kasangkapan upang suportahan ang decarbonization ng mga industriya na mahirap makaiwas sa paglalabas ng CO2.
Ngunit dapat nating laging isaisip na ang teknolohiyang CCS ay bahagi lamang ng mas malaking pagsisikap tungo sa net-zero na ekonomiya. Karamihan sa ating mga aksyon ay dapat manatili tungo sa malinis na enerhiya, mas maraming renewable, mas kaunting emisyon at fossil fuel, upang makatulong na makamit ang mas malaking layunin ng napapanatiling pag-unlad.