Malaki ang naging tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa buhay ng mahihirap na pamilya sa bansa.

Ito ang napatunayan ni Manuela Zornosa, 49, taga-Majayjay, Laguna.

Isa lamang ang pamilya ni Zornosa sa milyun-milyong benepisyaryo ng programa ng DSWD.

Kung hindi aniya sa nabanggit na programa kung saan sila tumagal hanggang Disyembre 2023, hindi sila makakaraos sa pang-araw-araw na pamumuhay dahil hindi sapat ang kinikita ng asawa sa pamamasada ng tricycle.

Tourism

World Architecture Day: Ilang makasaysayang gusali sa bansa na nananatili pa ring nakatayo

“Super laki na ng nagbago sa buhay namin. ‘Yung umabot kami sa punto na nakakaraos na sa araw-araw, panatag na kaming mag-asawa,” paglalahad ni Zornosa.

Hindi makakalimutan ni Zornosa ang panahong nagtutulungan silang mag-asawa sa paghahanap-buhay masuportahan lamang ang limang anak.

“Madalas ay kulang pa sa amin. Kahit humiram kami ng pera sa iba, kulang at kulang pa rin," aniya.

Gayunman, nagbago ang lahat nang naging benepisyaryo ng 4Ps ang pamilya nito noong 2013.

Hindi lamang suportang pinansyal ang natatanggap ng pamilya kundi pati na rin ang pagkakataong maiangat ang kanilang pamumuhay.

Sa pamamagitan ng programa, nakatanggap ng cash grants ang kanilang pamilya upang maalagaan ang kanilang kalusugan, magkaroon ng pagkain at mapag-aral ang mga anak na menor de edad.

Ginamit ni Zornosa ang cash grants upang lumawak ang kasanayan sa pamamagitan ng pagdalo sa meat processing training sa tulong ng DSWD-Sustainable Livelihood Program (SLP) noong 2017.

“Nagsimula ako ng simpleng negosyo mula sa meat processing training na aking dinaluhan bilang benepisyaryo ng 4Ps at ng SLP,” anang ginang.

Ito ang nagbigay sa kanya ng pagkakataong gumawa at magbenta ng embotido at siomai hanggang sa pumatok ang negosyo nito kasabay na rin ng unti-unting paglaki ng kita.

Inoobliga na rin sila ng ahensya na dumalo sa Family Development Sessions (FDS) kung saan itinuturo ang pagiging produktibo at responsable upang maabot ang kanilang pangangailangan, at mapalawak na rin ang kanilang kasanayan at kaalaman.

Dahil sa pagdalo sa FDS, naging parent-leader din ito kung saan ginagabayan nito ang 28 iba pang benepisyaryo sa kanilang lugar.

Nagpasyang umalis sa programa ang pamilya nang makapagtapos ng Civil Engineering ang kanilang panganay.

Apat pang anak ni Zornosa ay kasalukuyang nag-aaral.

“Nakikita ko na mas marami pa ang mas higit na nangangailangan ng tulong kaysa sa amin,” lahad nito.

Ang pamilya ni Zornosa ay sumisimbolo ng kahalagahan ng human capital investment ng programa.

“Tuluy-tuloy lang ang aming pagdiskarte, more sipag kaming buong pamilya para masustentuhan ang iba naming mga pangarap,” ani Zornosa.

Ang pagtatapos aniya sa 4Ps ay sumasagisag ng katatagan at determinasyon sa buhay.