Inilunsad ng Office of the Vice President (OVP) ang programang “You Can Be VP” (YCBVP) na naglalayon umanong linangin ang kakayahan at kaisipan ng kabataang Pilipino.

Sa isang Facebook post nitong Lunes, Pebrero 19, ibinahagi ng OVP na ang YCBVP ay isang programang may layuning bigyan ng pagkakataon ang kabataang kalahok na makita at maranasan ang trabaho ng isang bise presidente sa pamamagitan ng pagsama ng mga ito sa mga opisyal na lakad at engagements ni Vice President Sara Duterte.

Binanggit din ng OVP ang apat na kabataang naging kalahok na ng YCBVP at nakasama ni Duterte kamakailan.

“Sina Trix, Naomi, Kester, at Elize ay mga naging partisipante na ng YCBVP Program. Iilan lamang sila sa mga kabataang Pilipino na nagpakita ng pagpapahalaga sa edukasyon, at magandang halimbawa sa kanilang kapwa kabataan,” anang OVP.

National

Rep. Abante, binalaan si Harry Roque: ‘Justice will catch up to you!’

“Sila ay nakilala ni VP Sara sa kanyang mga school visits sa iba’t ibang mga paaralan sa buong bansa bilang kalihim ng Department of Education (DepEd),” dagdag pa nito.

Sinabi rin ng opisina ni Duterte na umaasa silang marami pang kabataan ang lalahok at magiging bahagi ng naturang programa.

“Nawa'y patuloy tayong magbigay ng inspirasyon, pag-asa, at lakas na gumawa ng higit pa para sa ating mga kabataan at para sa kanilang kinabukasan,” saad ng OVP.