Maging si Senador Risa Hontiveros ay tila hindi rin napigilang humirit sa kaarawan ni "It's Showtime" host Anne Curtis.

Sa kaniyang Facebook account, shinare ni Hontiveros ang post ng ABS-CBN News tungkol sa kanilang pagbati kay Anne at kanilang kwelang mensahe tungkol sa overseas Filipino workers (OFWs) na hindi makauwi sa birthday ng actress-host.

“Birthday mo!? Mabuhay ang ating mga OFW! Sana nakauwi kayo ngayong birthday ni Anne,” hirit naman ng senadora.

Nag-viral ang naturang meme tungkol sa pag-uwi ng OFWs sa birthday ni Anne dahil sa isang episode ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime” kamakailan.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Napag-usapan kasi ng hosts na sina Vice Ganda at Anne na ang pagka-homesick at pagiging malayo sa pamilya ang isa sa mga pinakamahirap na parte ng pagiging OFW.

“Bukod sa hirap ng trabaho sa ibang bansa, ang pinakamahirap na hinaharap ng mga Pilipino doon ay ‘yung pagka-miss nila sa pamilya nila sa Pilipinas. ‘Yung pagka-homesick, ‘di ba?” ani Vice.

“Lalo na during Christmas or family celebrations na you’re meant to be together,” pagsegunda naman ni Anne.

“Birthday mo,” pagtutuloy ni Vice, na pinatutungkulan ang birthday ng mga OFW.

“Birthday ko?” halatang gulat naman na pag-usisa ni Anne, na ang tila unang pagkaintindi ay tuwing birthday niya mismo.

“Uy, Anne. Sa tingin mo bakit mami-miss ng mga OFW ‘yung birthday mo? ‘Yung: ‘Hays, nasa America tayo, badtrip, birthday ni Anne,” kwelang entrada naman ni Vice.

“Pasensya na sa lahat ng OFW kapag hindi kayo makauwi kapag birthday ni Anne. Alam namin ‘yan ang kinahaharap ninyong ang bigat-bigat sa dibdib,” hirit pa niya.

Ngayong Sabado, Pebrero 17, ipinagdiriwang ni Anne ang kaniyang 39th birthday.