Inamin mismo ng isang lalaki sa Binangonan, Rizal na pinaslang at itinapon niya sa damuhan ang kaniyang live-in partner dahil sa matinding selos.

Noong Martes, Pebrero 13, nakitang wala nang buhay sa damuhan sa Binangonan ang 31-anyos na biktimang si Janiclear Cahilig. Nang araw ding iyon ay nagbanta pa umano ang live-in partner niyang si Roceller Lanon at nanawagang lumantad na ang may gawa sa krimen.

Samantala, sa ulat ng GMA Integrated News nitong Biyernes, Pebrero 16, biglang kinumpisal umano ni Lanon na siya ang tunay na pumaslang sa kaniyang live-in partner.

Ayon kay Lanon, matinding selos sa katrabaho ni Cahilig ang naging dahilan kung bakit nagawa niya umano ang naturang krimen.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

“Hindi ko naman po talaga gusto yung nangyari, nabigla lang po ako,” pag-amin ni Lanon.

Base umano sa imbestigasyon ng mga pulis, lumabas na nagkaroon ng sagutan ang dalawa sa kanilang bahay na nauwi sa pisikal na pananakit ng suspek.

Isinalaysay naman mismo ni Lanon sa GMA News na pinalo niya sa ulo ang kaniyang ka-live in gamit ang bote ng softdrinks na nakita niya sa ilalim ng kanilang mesa, saka raw niya ito sinakal at itinapon sa damuhan.

Samantala, inihayag ng mga kaanak ni Cahilig na una pa lamang ay duda na sila sa kaniyang ka-live in, at desidido raw silang ipakulong ito.

Nasa kustodiya na ng pulisya si Lanon at nahaharap ngayon sa kasong murder.