Patuloy na nakaaapekto ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Pebrero 15.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Eastern Visayas bunsod ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.
Pinag-iingat ang mga residente sa nasabing lugar dahil sa posible raw pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Malaki naman ang tsansang magdadala ang malamig na hanging amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong mahihinang pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Ilocos Region
Wala namang inaasahang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Samantala, inihayag din ng PAGASA na maaaring makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies at localized thunderstorms. Posible rin daw ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).