Patuloy pa ring nakaaapekto ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Pebrero 11.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Eastern Visayas, Caraga, at Davao Region dahil sa easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Pinag-iingat ang mga residente rito dahil sa posible raw pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Malaki naman ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Bicol Region, Kalinga, Apayao, Aurora, at Quezon dahil sa amihan.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Bukod dito, inaasahan ding magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong mahihinang pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley. Wala namang inaasahang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, inihayag din ng PAGASA na maaaring makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies, o ang mainit na hanging nanggagaling sa karagatang Pasipiko, at sa localized thunderstorms.

Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).