Nagdiwang ng kaniyang kaarawan ang TV host-actor na si Vhong Navarro sa “It’s Showtime” nitong Martes, Enero 30.

Bahagi ng celebration ang pagtatanghal ng inihanda niyang birthday prod para pasayahin ang madlang people.kasama ang grupo niyang Kanto Boys na kinabibilangan nina Billy Crawford, Luis Manzano, at John Lloyd Cruz. Pero bigong nakadalo ang huli.

Gayunpaman, kahit wala si John Lloyd, tila happy pa rin naman ang mga audience dahil nagsilbing proxy niya sina Pepe Herrera at Joshua Garcia na nagpakita rin nang mahusay at kwelang performance.

Pagkatapos ng birthday prod, isa-isang pinasalamatan ni Vhong ang kaniyang mga kagrupo pati na sina Pepe at Joshua na biglaan niya lang daw niyaya pero hindi tumanggi.

Eleksyon

Kabataan Party-list, itutulak pagpapatalsik kay VP Sara

Ibinahagi naman ni Vhong ang dahilan kung bakit hindi nakadalo ang isa pa nilang kagrupo.

“Dapat po kumpleto talaga ang Kanto Boys. Sadyang mayroon lang talaga ‘di inaasahang pangyayari kaya si Lloydie ay ‘di po nakapunta rito,” saad ni Vhong.

“Kaya naman, Lloydie, basta nandito lang kami mga kagrupo mo. Mahal na mahal ka namin. We miss you,” dagdag pa niya.

Samantala, hindi naman binanggit ng grupo kung kailan sila muling makikita on stage na kompletong magkasama.

Matatandaang nakilala ang Kanto Boys noong 2009 sa ASAP dahil sa nakakaaliw nilang paraan ng pagsayaw. Noong 2015 naman sila nagpaalam sa nasabing weekly musical variety show.