Dalawa ang naiulat na nasawi matapos magbanggaan ang dalawang sasakyang pandagat sa bisinidad ng Verde Island, Batangas nitong Miyerkules ng hapon.

Sa paunang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG), ang insidente ay naganap sa karagatang malapit sa naturang isla dakong 12:30 ng hapon.

Patungo na sana sa Calapan ang pampasaherong Ocean Jet 6 mula sa Batangas at kasalubong nito ang water taxi na Hop & Go 1 na patungo naman sa Batangas mula sa Puerto Galera nang maganap ang insidente.

Kinumpirma naman ni Coast Guard Station Batangas commander, Captain Jerome Jeciel, dalawang tripulante ng Hop and Go 1 ang nasawi sa insidente.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Nakaligtas naman ang dalawang tripulanteng kasamahan ng dalawang binawian ng buhay sa insidente.

Nasugatan naman ang dalawa sa apat na Chinese na pasahero ng water taxi

Nasa maayos namang kalagayan ang 105 pasahero at 19 tripulante ng Ocean Jet 6, ayon sa Coast Guard.

Ang water taxi ay hinila na ng PCG patungong shipyard nito sa Puerto Galera.

Kaugnay nito, pinaiimbestigahan na ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan ang insidente.