Nagbitaw ng “maanghang” na salita si Senador Imee Marcos laban sa kaniyang pinsang si House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng usaping People’s Initiative (PI) para sa Charter Change (Cha-Cha) na naglalayong amyendahan ang 1987 Konstitusyon.

Sa isinagawang pagdinig sa Senado hinggil sa signature campaign para sa PI nitong Martes, Enero 30, inalmahan ni Marcos ang nakaraang pahayag ni Romualdez na wala umanong pake ang Senado sa PI.

“Panoorin natin ang isang maikling video ng karamdamang mabilis naipakalat sa pamamagitan ng pantatanga sa kapwa, paglulustay ng salapi, at pagsisinungaling ng matatakaw ng opisyal. ‘Yang sakit na ‘yan ang papatay sa demokrasya,” ani Marcos habang tinutukoy ang isang video ng mga kinapanayam na mga Pinoy na walang masyadong kamalayan sa usapin ng Cha-Cha.

“At ang sinumang may-sabi na walang pake ang Senado sa usaping ito, isa lang ang masasabi ko: ‘Walang gamot sa kakapalan ng mukha mo’,” pagbibigay-diin din ng senador.

Imee, ipinagdiinang si Romualdez umano ang nasa likod ng PI campaign

Matatandaang kamakailan lamang, iginiit din ni Marcos na si Romualdez ang nasa likod ng PI campaign.

“Definitely, ‘yung opisina niya ‘yung nag-alok ng ₱20 million kada distrito, definitely nanggaling sa kanila ‘yung very attenuated timeline na July 9 tapos na ang lahat,” ani Marcos.

Itinanggi naman ito ni Romualdez at sinabing “walang basehan” ang akusasyon ng kaniyang pinsan.

“That is baseless. Siguro kausapin n’yo na lang siya, nagma-marites siguro, nakikinig sa mga marites,” giit ni Romualdez.

https://balita.net.ph/2024/01/26/romualdez-sa-akusasyon-ni-imee-nagma-marites-siguro-siya/?fbclid=IwAR1zSqZiwELlkXQhIkFH8Wu2i5yOusbl07imWUqpijBNPqq8VOP5tJQ9v9I