Nasa kulungan na ang isang binatang delivery rider na naunang nag-report sa pulisya na hinoldap ang koleksyon nito sa Davao City kamakailan.

Sa report ng pulisya, nakilala ang suspek na si Bryan Sistual Capote, 20, taga-Kulagsoy, Barangay Tacunan, Davao City.

Sa pahayag ni Capote, hinoldap umano ito ng dalawang riding-in-tandem sa Sitio San Miguel, Brgy. Catalunan Grande nitong Enero 19 at tinangay sa kanya ang koleksyon na ₱17,000 at ilang ide-deliver na parcel.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Isinalaysay ni Capote, nangyari ang insidente malapit sa pinaradahan nito ng motorsiklo matapos tutukan ng patalim habang idiniliber nito ang mga dalang package sa naturang lugar.

Gayunman, kinontra ito ng regular customer ni Capote na si Marvin San Juan Baylosis na nagsabing wala siya siyang nakita o narinig na komosyon sa lugar.

Sinabi ng pulisya, nakita sa GCash account ni Capote na nagkaroon ng fund transfer na aabot sa ₱17,000 na nauna niyang sinabing tinangay ng dalawang naka-motorsiklo.

Inamin ni Capote sa kanyang employer na hindi nagkaroon ng holdapan at "gawa-gawa" lamang nito ang insidente.

Nahaharap na sa kaukulang kaso ang suspek, dagdag pa ng pulisya.