Umalma si Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel sa naging paliwanag ng Presidential Security Group (PSG) hinggil sa paggamit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng chopper para makadalo sa concert ng British rock band na Coldplay sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan noong Biyernes, Enero 19.

Matatandaang naging usap-usapan kamakailan sa social media ang mga video at larawan kung saan may nakitang tatlong chopper sa venue ng concert, na pinaniniwalaang karga nito ang VIPs, kabilang ang pangulo kasama ang asawa niyang si First Lady Liza Araneta-Marcos at anak nilang si William Vincent.

MAKI-BALITA: PBBM, gumamit daw ng presidential chopper papuntang Coldplay concert?

Agad namang naglabas ng paliwanag at opisyal na pahayag ang Presidential Security Group (PSG), sa pangunguna ni PSG commander Maj. Gen. Nelson Morales, hinggil sa naturang pagsakay ng pamilya sa presidential helicopter.

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

Ayon kay Morales, tiniyak lamang daw ng PSG ang seguridad ng pangulo at unang ginang dahil sa dagsa ng mga tao sa concert, na tinatayang umabot sa 40,000 indibidwal.

MAKI-BALITA: PSG nagpaliwanag sa ‘helicopter issue’ kay PBBM sa Coldplay concert

Samantala, giit naman ni Manuel na araw-araw daw na “security threat” ang malalang traffic para sa maraming mga Pilipino.

“🎶 Nobody said it was easy🎶 Security threat ang malalang traffic sa maraming Pilipino araw-araw, ‘di lang tuwing may concert,” ani Manuel sa isang Facebook post ng Kabataan Partylist.

“Sa halip na solusyonan ito, mas malaking security threat sa kabuhayan pa ang pinapatupad ni Marcos Jr. sa PUV phaseout,” dagdag pa niya.

Matatandaang Disyembre 31, 2023 ang inilatag na deadline ng pamahalaan para sa franchise consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Binigyan naman ang mga operator ng jeep ng hanggang Enero 31, 2024 para payagang mamasada ang mga hindi nakapag-consolidate.

Pagkatapos nito, sa Pebrero 1, 2024, ituturing na umanong “colorum” ang mga PUV na hindi nakapag-comply sa nasabing franchise consolidation.

“Daanlibong trabaho ang imamasaker pagsapit ng February 1 habang nakachopper lang sa concert ang nag-utos nito. Iyan ang hirap sa manhid at pahirap na liderato na mas madalas pa kausap at nakikinig sa dayuhang negosyo kaysa sa kapwa Pilipino,” saad ni Manuel.

“Historically, Jeepney drivers filled the gap of a dysfunctional mass public transport system and failed urban planning in Metro Manila that the national government should've developed ever since World War II. Dapat kasama ang mga maralitang tsuper at operator sa tunay na modernization ng public transportation,” dagdag pa niya.