“Ingatan po natin ang ating Saligang Batas.”

Ito ang panawagan ni Vice President Sara Duterte sa gitna ng kaniyang pagkondena sa mga politiko umanong namimigay ng pera sa taumbayan kapalit ng kanilang pirma para sa People’s Initiative (PI) at Charter Change (Cha-cha).

Sa kaniyang pahayag nitong Biyernes, Enero 19, inihayag ni Duterte na patuloy umanong isinasagawa araw-araw ang “Pera kapalit ng pirma para sa People’s Initiative” sa Davao City at iba pang bahagi ng bansa.

“Isa itong repleksyon ng pagkahilig ng mga politiko na bumili ng boto tuwing eleksyon,” giit ni Duterte.

National

Ilang bahagi ng bansa, uulanin dahil sa shear line, easterlies

“Ito ay pagsasamantala sa kahirapan ng ating mga mamamayan at kawalan ng respeto sa kanilang karapatan na magdesisyon nang malaya, walang takot, o impluwensya gamit ang salapi,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa bise presidente, ang naturang hakbang umano ng mga politika ay sumasalamin sa kawalan daw ng pakialam ng mga ito sa kalagayan ng mga ordinaryong Pilipino.

“Para sa mga Pilipino, alalahanin din natin na maaaring ang sukli sa suhol kapalit ng pirma sa people’s initiative ay may seryosong konsekwensiya sa ating buhay, kalayaan, at kinabukasan,” aniya.

Samantala, binigyang-diin din ni Duterte na ang patuloy umanong pagsusulong sa people’s initiative at charter change, sa kabila raw ng kahirapan at kawalan ng katiyakan sa kapayapaan at kaayusan ng bansa, ay isang “masakit na palatandaan sa kabiguang matukoy ang tunay na mga problema ng mga Pilipino at solusyonan ang mga ito.”

“Bilang isang Mindanaoan, nababahala ako sa travel advisory na kamakailan ay inilabas ng pamahalaan ng Canada laban sa pagbyahe sa ilang bahagi ng Pilipinas — dahilan umano ng mga insidente ng krimen, terorismo, armadong sagupaan, at kidnapping,” saad ni Duterte.

“Ang mas higit na nakakabahala ay ang mga pangamba na maaaring hudyat lamang ito ng parating na mas seryosong mga problema sa seguridad at kaayusan sa ating mga komunidad.

“Sana ay unahin nating pag-usapan ang kapakanan ng mga Pilipino kaysa sa pagpapapasok sa mga dayuhan sa ating bansa. Unahin muna natin ang Pilipinas. Ingatan po natin ang ating Saligang Batas,” dagdag pa niya.