Nakakaloka ang usapan nina Ogie Diaz, Mama Loi, at Ate Mrena sa "Ogie Diaz Showbiz Update" tungkol sa pagbebenta ng car dealer na si "Franz Akeem Aldover" sa 2016 model Chevrolet Corvette Stingray C7 na dating pagmamay-ari ni Kapamilya Star Daniel Padilla, na nasa garahe na ngayon ng bahay ng online game streamer na si "Perkz Gaming" sa halagang ₱6.3M.

Marami raw kasing haka-hakang naglalabasan kung bakit kinailangang ibenta ni DJ ang luxury car, na lumalabas pa sa mga tsika na hati sila ng ex-girlfriend na si Kathryn Bernardo.

Kuwento ni Ogie, batay raw sa nakarating sa kaniyang kaalaman, naunang ibinenta ni Daniel ang kotse sa "Garage 888 PH" at nakita raw ito ng car dealer na si Aldover ng F2A Cars at ibinili. Saka raw ito nagsadya kay Boss Toyo para ipagbenta ang kotse dahil alam daw niyang mahilig ito sa sports car. Hanggang sa tinanggihan nito ang inalok na presyo ni Aldover, kaya naghanap ng ibang buyer ang car dealer. Presto, nabili na nga ito ng online streamer mula sa Angeles City, Pampanga.

Marami raw espekulasyon tuloy kung bakit kinakailangang magbenta ng kaniyang mga ari-arian ang Kapamilya actor. Kesyo para daw pambayad-utang kay Kathryn Bernardo, kesyo para daw mapaghatian na ang napagbilhan sa kotse, at para daw makapag-move forward na. May mga nagsasabi ring baka naghihirap na raw ang aktor kaya pati ang bahay na ibinigay niya sa Mama Karla niya ay ipinagbebenta na rin umano.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Pero salag naman ni Ogie, mas nakakaloka raw kung nagbebenta ang isang tao ng isang gamit na hindi naman nito pag-aari. Pangalawa, gustong magbenta pero wala namang maibenta.

"Okay na sa akin 'yong nagbebenta ka ng mga gamit kasi, una, baka hindi mo na kailangan. Pangalawa, gusto mo nang magtipid, gusto mo nang magbawas ng mga gamit. Gusto mo na kumbaga mag-downgrade ng buhay mo. Eh ano naman ngayon kung nagbebenta ng gamit si DJ?" anang Ogie.

MAKI-BALITA: Pagbebenta, iniisyu: Daniel may utang kay Kathryn o naghihirap na?

Biro pa ni Ogie, kung sakaling ipa-auction nga raw ang underwear ni Daniel, tiyak niyang maraming magkukumahog na bumili nito.

"Diyos ko, ipa-auction nga niya 'yong underwear niya, maraming bibili niyan," hirit ni Ogie na ikinatawa ng dalawang co-hosts.

"Basta gamit na Kuya ha," hirit naman ni Mrena.

"Ang baboy mo Mrena... pero mas mahal 'yon 'pag gano'n..." sundot na hirit pa ng showbiz insider/talent manager.

Isa pa sa mga isyung napag-usapan nila ay ang pagbebenta umano ng bahay ni Karla Estrada sa Quezon City sa halagang ₱50M.