Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Enero 12, dahil sa northeast monsoon o amihan, shear line, at eastelies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Bicol Region, Eastern Visayas, at Quezon dahil sa shear line o ang “boundery line” kung saan nagsasalubong ang malamig na hangin o ang amihan at ang mainit na hangin o ang easterlies.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malalakas na pag-ulan.
Malaki naman ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na katamtamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, at Aurora dulot ng hanging amihan.
Bukod dito, inaasahan din daw na magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.
Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Inihayag din ng PAGASA na posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies, na tumutukoy sa mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, at sa localized thunderstorms.
Posible naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Ayon din sa PAGASA, wala naman itong inaasahang alinmang bagyo o low pressure area (LPA) na papasok o mabubuo sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR) hanggang sa susunod na tatlong araw.
Kaugnay na Balita: