Ang pagkontrol ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang nananatiling pangunahing alalahanin ng maraming mga Pilipino, ayon sa inilabas na survey ng Pulse Asia nitong Lunes, Enero 8.

Base sa 2023 fourth quarter survey ng Pulse Asia, 72% ng mga Pinoy ang nagsabing ang usapin ng inflation ang dapat matugunan agad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Samantala, pumagalawa naman daw sa urgent national concern ng mga Pinoy ang pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa (40%).

Sinundan ito ng “job creation” na may 28% at “poverty reduction” na may 25%.

Inflation rate, bumaba sa 3.9% nitong Disyembre 2023 – PSA

Narito rin ang iba pang isyung inaalala ng maraming mga Pinoy, base sa survey ng Pulse Asia:

  • Paglaban sa korapsyon (19%)
  • Pagtulong sa mga magsasaka (18%)
  • Pagtugon sa involuntary hunger (18%)
  • Pagsugpo sa kriminalidad (15%)
  • Pagtulong sa small entrepreneurs (11%)
  • Pagpapatupad ng rule of law (10 percent)
  • Pagbawas sa halaga ng binabayarang tax (10%), 
  • Pagtaguyod ng kapayapaan (9%)
  • Pagprotekta sa kapaligiran (7%)
  • Pagtanggol sa national territorial integrity (6%)
  • Pagharap sa terorismo (5%)
  • Pagprotekta sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa (5%)

“The only urgent national concern cited across all geographic areas and socio-economic groupings is controlling inflation (69 percent to 75 percent and 61 percent to 81 percent, respectively),” anang Pulse Asia.

“On the other hand, the least often-cited urgent national concerns in these subgroupings are defending national territorial integrity (2 percent to 9 percent and 4 percent to 9 percent, respectively), dealing with terrorism (3 percent to 7 percent and 1 percent to 6 percent, respectively), and protecting the welfare of overseas Filipino workers (3 percent to 7 percent and 4 percent to 9 percent, respectively),” dagdag pa nito.

Isinagawa umano ang naturang survey mula Disyembre 3 hanggang 7, 2023 sa pamamagitan ng pakikipanayam sa 1,200 respondents na may edad 18 pataas.

Kaugnay nito, matatandaan namang nito lamang Enero 5, 2024, inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 3.9% ang inflation rate sa bansa nitong Disyembre 2023 mula sa 4.1% na datos noong Nobyembre 2023 at mula sa 8.7% na inflation rate noong Enero 2023.