Magsasagawa ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng quarterly recognition para sa Local Government Units (LGUs) na epektibong maipatutupad ang Kalinga at Inisyatiba Para Sa Malinis na Bayan (KALINISAN) Program.

Matatandaang kamakailan ay hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na makiisa ang mga Pilipino sa naturang programa.

MAKI-BALITA: PBBM, hinikayat ang mga Pilipinong makiisa sa KALINISAN program

Ayon sa talumpati ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. sa ginanap na national simultaneous clean-up drive sa Baseco, Manila noong Sabado, Enero 6, tututukan daw ng kaniyang ahensya ang performance ng 42,000 barangays sa buong Pilipinas.

Eleksyon

49 na senatorial aspirants, naghain ng COC ngayong Oct. 7

“Sa DILG, imo-monitor namin ang performance ng bawat barangay on a monthly basis, and quarlterly basis magkakaroon ng awarding ito…Tututukan talaga namin ito,” pahayag ni Abalos.

Naglatag si Abalos ng mga kailangang gawin ng mga residente sa bawat barangay para maisakatuparan ang naturang programa. 

Una niyang binanggit ang malaking maitutulong ng espiritu ng bolunterismo. Binigyang-diin niya ang halaga ng pagre-recycle. 

“Alam n’yo ba na halos kalahati ng basura natin, pwedeng ma-recycle…In short, ang hindi lamang pwedeng ma-recycle for disposal ay 12 %...at 4 % nito ang dapat for special treatment. Ito ‘yung mga heringgilya, ‘yung mga hospital waste,” aniya. 

Dagdag pa niya: “So, kung titingnan mo lahat, mayroon tayong pwedeng magawa. At ‘yan ang dapat ibaba natin. ‘Yung paggawa ng fertilizer sa mga wet garbage.”

Kaya panawagan ni Abalos sa mga alkalde at konsehal, magpatupad ng ordinansa na kung sinoman ang mahuling nagtatapon ng basura sa kung saan-saan ay papatawan ng parusa. 

Pero sa halip na pagmultahin, paglinisin na lang daw ng paligid sa loob ng kalahati hanggang isang oras para matuto.