Nanindigan si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na hindi na umano nila palalawigin ang December 31, 2023 deadline ng franchise consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Sa isang pahayag nitong Huwebes, Disyembre 28, iginiit ni Bautista na nasa “70% PUV operators at drivers” na raw ang nakibahagi sa proseso ng consolidation.

“The PUV consolidation deadline stays,” pagbibigay-diin ni Bautista.

“This initiative has gained the support of the majority of our PUV operators as around 70% of them have already taken part in the consolidation process,” saad pa niya.

Sen. Imee, nanawagang bawiin ‘deadly deadline’ ng PUV modernization

Kamakailan lamang, pinahintulutan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mag-operate hanggang Enero 31, 2024 ang mga PUV na nabigong mag-consolidate sa alinman kooperatiba o korporasyon sa deadline ng Disyembre 31.

Samantala, nangako si Bautista na titiyakin umano ng DOTr na maiayon ang PUV modernization sa layuning mapagaan ang kalagayan ng mga commuter sa pamamagitan ng pagtiyak ng mas malinis at ligtas na mga pampublikong sasakyan.

Matatandaang taong 2017 nang simulan ng Department of Transportation ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na ilang milyon daw ang aabutin.

Kaugnay nito, nanawagan si Senador Imee Marcos sa DOTr nitong Huwebes na bawiin na ang tinawag niyang “deadly” na deadline ng PUVMP dahil 2017 pa lamang daw ay hindi na ito nasusunod.

“Maliwanag na kailangan bumalik sa malawakang pulong-pulong at pagkokonsulta sa lahat ng operator, drayber, at commuter. Sino bang may ayaw ng bagong sasakyan? Pero sino naman, sa hirap ng buhay ngayon, ang may pambayad?” saad ng senador.

Ilang mga grupo rin ang nagkakasa ng transport strike bilang pagprotesta sa hindi pagpapalawig ng pamahalaan sa naturang deadline ng franchise consolidation.

“Daan-daang libo ang mawawalan ng kabuhayan sa buong bansa pagdating ng December 31. Samantala, magreresulta rin ng malawakang transport crisis ang pagpupumilit sa programa… Ang pinagsisilbihan lamang ng PUVMP ay ang malalaking negosyanteng lokal at mga dayuhang korporasyon,” pahayag ng transport group na PISTON kamakailan.

https://balita.net.ph/2023/12/17/manibela-piston-nakahanda-na-sa-transport-strike-sa-dec-18-29/?fbclid=IwAR1wNEhLoNMmSaf3rziXI4v4PHYEBbgzqOMXNLxhaNdUX9w7yPlvW2OdcQg