Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang empleyado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) makaraang tangkaing palusutin ang tatlong umano'y biktima ng human trafficking na patungo na sana sa United Arab Emirates (UAE).

Hindi na ibinunyag ang pagkakakilanlan ng kawani ng NAIA na nasa kustodiya na ng mga awtoridad.

Sa imbestigasyon ng BI, ang insidente ay naganap sa NAIA-Terminal 3 nitong Disyembre 22.

National

Hontiveros, inanunsyo na petsa ng pagdinig ng Senado hinggil kay Quiboloy

Ipinaliwanag naman ni BI Commissioner Norman Tansingco, namataan ang naturang kawani ng NAIA habang sinasamahan ang tatlong biktima sa mga Immigration counter.

“Immigration supervisors promptly intervened, signaling that such actions were unauthorized and against protocol,” anang opisyal.

Kaagad na dinampot ang nasabing empleyado. Naharang din ng BI ang tatlong kasamahang pasahero na isinailalim sa imbestigasyon

Nauna nang idinahilan ng tatlong pasahero na magkakaibigan sila at magbabakasyon lamang sa UAE.

Gayunman, hindi magkakakilala ang mga ito at wala rin silang dalang ticket pabalik sana sa kanilang lugar sa General Santos City.

Ni-recruit umano ang tatlong pasahero sa pamamagitan ng Facebook upang magtrabaho bilang household service worker sa UAE.

Iniimbestigahan na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang kaso.

 

PNA